Wed, 16 Oct 2019

Tagalog News: NFA San Jose, handa na ang 30M pambili ng palay

Philippine Information Agency
13 Sep 2019, 18:38 GMT+10

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Setyembre 13 (PIA) -- Nakahanda na ang National Food Authority (NFA) San Jose na bilhin ang palay ng mga magsasaka ng bayan ng San Jose, Magsaysay, Rizal at Calintaan (Samarica), gamit ang hawak nitong P30 milyong pondo, ayon kay NFA Provincial Manager Lilibeth Ignacio.

Sinabi ng opisyal na P20.70 kada kilo ang pinakamataas na presyo na maari nilang bilhin ang palay sa ngayon, mas mataas ng tatlong piso mula sa dating support price na P17.

"Yung tatlong piso ay para sa buffer stocking incentive, 30-50 sentimos na delivery incentive, at dagdag pang 30 sentimos para naman sa cooperative development incentive," paliwanag ni Ignacio.

Matatandaang ang karagdagang tatlong pisong insentibo ay ipinatupad ni dating Department of Agriculture Secretary Emmanuel Pinol noong nakarang taon upang makasabay ang NFA sa mga private palay traders na namimili sa mataas na presyo.

Nilinaw din ng Provincial Manager na kahit hindi miyembro ng kooperatiba ang isang magsasaka, maari siyang magbenta ng palay sa NFA.

"Kundisyon nito ay dapat na pumasa ito sa uri ng butil na hanap natin, ito 'yong tuyo at de-kalidad na palay," saad nito.

Nabatid pa kay Ignacio na target ng NFA na makakuha ng kabuuang 1.4 hanggang 2.2 milyong sako ng palay ngayong anihan bilang pagtupad sa nais ng pambasang pamahalaan. Ito aniya ay magsisilbing buffer stock ng bansa na gagamitin sa panahon ng sakuna o kalamidad.

"Ito ang mandato ng NFA - ang tiyaking may supply ng bigas sa mga nabanggit na pagkakataon, at sakali namang hindi ito (palay) magagamit, gigilingin ito at ibebenta sa merkado sa presyong hindi lugi ang ahensya," dagdag pa ni Ignacio.

Samantala, ipinaalala ng opisyal na posibleng magkaroon pa ng pagbabago sa kanilang pamimili bunsod ng pagdinig ngayon ng Senado sa Rice Tarrification law at anunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang nakaraang press conference.

"Iniutos ng Pangulo na bilhin ang mga palay ng magsasaka, kaya nakaantabay tayo sakaling may bagong order mula sa mga ating mga opisyal," ani Ignacio. (VND/PIA MIMAROPA/Occ Min)

More San Francisco News

Access More

Sign up for San Francisco News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!