Tue, 07 Apr 2020

Tagalog News: COVID-19 Incident Command System sa San Jose, inilunsad

Philippine Information Agency
18 Feb 2020, 15:38 GMT+10

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Peb. 17 (PIA) - Upang mas maging episyente at sistematiko ang pagtugon ng San Jose sa Corona Virus Disease, inilunsad ng lokal na pamahalaan ang COVID-19 Incident Command System (ICS) kamakailan.

"Ang ICS ay pagsasama-sama ng lahat ng response clusters para tugunan ang isang nagbabantang sitwasyon," paliwanag ni Mario Mulingbayan, OIC Provincial Disaster Risk Reduction Management Officer (PDRRMO).

Aniya, maaaring gamitin ang ICS sa iba't-ibang kaganapan tulad ng nakaraang pagho-host ng lalawigan ng Mimaropa Regional Athletic Association (RAA) Meet, pananalasa ng bagyong Tisoy at Ursula, at ngayon naman ay sa banta ng COVID-19.

Ayon naman kay Dr. Lords Mesina ng Municipal Health Office (MHO), nagtalaga ng ilang piling tauhan ang munisipyo upang gumanap ng iba't ibang tungkulin sa ilalim ng ICS partikular ang mga hakbangin na titiyak sa kaligtasan ng munisipalidad sa COVID-19. May mangangasiwa sa operasyon, dokumentasyon, pananalapi, at iba pa.

"May kani-kaniyang trabaho ang mga napabilang sa ICS, at magsisilbing Incident Commander dito si Dr. Enid Asuncion, Municipal Health Officer ng San Jose" saad ni Mesina. Aniya, bilang Incident Commander, pangungunahan ni Asuncion ang lahat ng aksyon na may kaugnayan sa nakakamatay na virus, gayundin ang direktang pag-uulat ng pinakahuling sitwasyon kay Punong Bayan Romulo Festin.

Paliwanag pa ni Mesina, bilang naitalagang Operation Section Chief ng ICS, agad niyang pinangunahan ang pagpapatupad ng incident action plan bilang maagang aksyon ng pamahalaang lokal kontra sa banta ng COVID-19. Kabilang aniya dito ang paglalagay ng mga bantay sa mga lagusan ng San Jose na sumusuri sa lahat ng mga pumapasok sa munisipalidad. "Mahigpit ang ating instruction sa mga personnel na kunin ang temperatura ng bawat dumarating at kung sakaling may lagnat, isasailalim ito agad sa assessment," pahayag ni Mesina.

Nakipag-ugnayan na rin sila sa mga namamahala ng mga hotel at iba pang accommodation house sa San Jose na iparating agad sa Municipal Tourism Office (MTO) sakaling may mga dayuhan na tutuloy sa kanila, lalo na't galing sa mga bansang may mga kaso ng COVID-19.

"Kapag galing ng bansang China, kailangan natin silang i-quarantine," ayon pa kay Mesina. Handa naman aniya ang isang buong section sa San Jose District Hospital na sadyang itinalaga bilang isolation ward para sa mga kailangang imonitor o isailalim sa quarantine.

Binigyang-diin pa ni Mesina na gusto nilang ipaalala na walang kaso ng COVID-19 sa munisipalidad at layon nang pinasimulang ICS na mapanatili ito. "Magpapatuloy itong ICS hangga't may outbreak ng COVID-19," ani Mesina. Sa ganito aniyang paraan ay mananatiling handa at mabilis na makatutugon ang munisipyo sa anumang banta ng nabanggit na virus.

Kinumpirma naman ng Provincial Health Office na ang kauna-unahang Patient Under Investigation (PUI) mula sa bayang ito ay nasuring negatibo sa COVID-19. (VND/PIAMIMAROPA/OccMin)

More San Francisco News

Access More

Sign up for San Francisco News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!