Fri, 23 Oct 2020

Tagalog News: 2 inflatable rescue boats, dumating na sa Occ Min

Philippine Information Agency
21 Sep 2020, 22:38 GMT+10

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Setyembre 21 (PIA) -- Dumating na sa probinsya ang dalawang inflatable rescue boats na binili ng pamahalaang panlalawigan kamakailan upang higit na palakasin ang kakayahang tumugon sa mga sakuna.

Ayon kay Mario Mulingbayan, opisyal ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO), malaking tulong ang nasabing rescue boats sa paglilikas ng mga residenteng binaha ang lugar gayundin sa search and rescue operation kung may mga sakuna sa karagatan.

"Napatunayan natin ito nang lumubog ang Liberty 5 sa karagatang sakop ng probinsya. Tumulong tayo sa operasyong inilatag noon ng pamahalaan," ayon kay Mulingbayan. Matatandaang lumubog ang Liberty 5, na may sakay na 14 na mangingisdang Pilipino matapos mabangga ng M/V Vienna Wood ng Hongkong noong Hunyo.

Ipinaliwanag ni Mulingbayan na ang mga bagong biling rescue boat ay kabilang sa mga kagamitang nakita ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) na magpapalakas sa kakayahan ng lalawigan na tumugon sa mga sakuna at kalamidad. "Tayo naman (PDRRMO) ay nagsisilbing partner ng mga Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) na umaasiste sa kanila upang maagap at epektibong makatugon sa mga kalamidad sa kani-kanilang nasasakupan," saad ni Mulingbayan.

Dahil nais ng Kapitolyo na maging mas mabilis ang pagtulong sa bawat munisipalidad, sinabi ni Mulingbayan na napagpasyahan ng PDRRMO na tiyaking may sapat na mga kagamitan sa mga sub-offices ng Provincial LGU. "Kaya itong mga rescue boats natin ay itatalaga sa PGO Sub-office sa San Jose at Lubang," saad ng opisyal.

Ang pagbili ng inflatable rubber boats ay isa lamang sa mga proyektong inilatag upang higit na mapagbuti ang disaster response ng probinsya. Ayon sa tagapamahala ng PDRRMO, nakalinya na ring bilhin ng probinsya ang mobile kitchen. Sa pamamagitan naman aniya nito ay agad makakapaghanda ang LGU ng mainit na pagkain sa mga nasa evacuation centers, lalo na tuwing may bagyo.

Kabilang din sa plano ay ang pagkakaroon ng maaasahang communication system na kailangan kapag panahon ng kalamidad, dagdag pa ng opisyal. "Napakahalaga nito dahil kapag may malakas na bagyo, nawawalan ng koneksyon ang ating mobile phone kaya wala tayong mga bagong impormasyong nakukuha sa sitwasyon ng mga apektadong bayan at mga residente doon," pagtatapos ni Mulingbayan. (VND/PIA MIMAROPA)

More San Francisco News

Access More

Sign up for San Francisco News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!